Kabataan: Pag-asa pa ba ng bayan?

Kabataan? Pag-asa daw ng bayan? Totoo kaya ito? 
Humanda dahil narito ang isang editoryal na orihinal na isinulat ni Melanie F. Sanchez. 


Nakababahala ang dumadaming kasong kinasasangkutan ng mga menor de edad at kabataan sa ating bansa, sa panahon ngayon. Dahil sa kahirapan, kakulangan sa edukasyon, kawalan ng patnubay at gabay ng mga mga magulang ay nasasangkot sila sa mga krimen.

Nagbago na nga ang mundo kasabay nito ang pagbabago ng mga kabataan. Mga kabataang hindi lang basta kabataan. Mga kabataang mapupusok, matatapang, walang takot, walang pakundangan at walang pakialam. Nakalulungkot isipin na sa murang edad pa lamang ay nasasangkot ang mga batang snatcher, jumper boys, batang hamog, mga kabataang ginagamit ng mga sindikato, mga kabataang miyembro ng mga gang sa iba’t ibang krimen gaya ng scams, pagnanakaw, panghahalay, at pati na rin ang pagpatay.

Nilagdaan ng dating Pangulong Benigno Aquino III noong ika-3 ng Oktubre taong 2013 ang pag-aamyenda o pagpapalawak sa R. A. 9344 bilang Republic Act No. 10630 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Ito ay isang batas na nagsasaad na hindi maaaring parusahan ang mga batang gumagawa ng krimen sa lipunan. Sa ilalim ng kasalukuyang batas, maaari lamang hulihin ang isang kabataan kung nasa edad 15 na ito at matutukoy na alam niya ang kaniyang ginawa. Gayunpaman, hindi maaaring ikulong ang mga juvenile delinquents o youth offenders sa regular na kulungan at sa halip ay ipinapasa sa pangangalaga ng Department of Social Welfare Development(DSWD). Layunin nitong pahalagahan ang mga karapatan ng mga kabataan at masugpo ang mga krimen sa ating bansa, kung hindi man, ay mabawasan ito.

Ang patnubay ng mga magulang sa mga anak ay napakahalaga. Maiwawasto nila at magagabayan nila ang mga kilos ng kabataan. Marapat lamang na disiplinahin sila sa tamang paraan upang sa ganun ay maramdaman nila kung gaano sila kahalaga sa lipunan.

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” ito ang kasabihan ni Dr. Jose Rizal na nagpapaalala sa atin na ang kabataang ang taniman ng mga binhing magbubunga ng masasarap at masasaganang prutas na dapat pagyamanin para sa mga susunod nating lahi. Ibalik natin ang mga panahong konserbatibo pa ang lipunan, mga edukado, at disiplinadong kabataan. Tayo ang magsilbing ilaw sa ngayo’y tinatahak nilang maling landas. Huwag nating hayaang tahakin nila ang baluktot na daan sa halip ay ituro natin sa kanila kung nasaan ang daan tungo sa pagbabago, kaunlaran at katiwasayan, ang tuwid na landas.

Muli nating ibalik ang Kabataang Pinoy!

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Scarred people are beautiful

Sikreto ng Masayang Buhay