Mag-aaROLE
Tunay na Layunin ng Mag-aaral
ni Master Mint
“Edukasyon ang pundasyon upang makamtan ang pinakamimithing pangarap. Ang susi sa pag-unlad.”
Tunay nga na ang edukasyon ay kayamanang hindi mananakaw ninuman. Tulad ng isang kayamanan, ito’y pinaghihirapan upang makamit ang inaasam. Sa tahanan, unang hinuhubog ang ating kaalaman, kabutihang asal, at mabuting gawain. Ngunit hindi dito nagtatapos ang pagkatuto natin, bagkus ito ay nagpapatuloy sa ating pagtungtong sa paaralan. Kung saan natin halos ginugugol ang lahat ng ating oras buong araw upang mag-aral, matuto at magbahagi ng kaalaman sa iba.
Sa araw-araw nating pagpasok sa paaralan ay lumalawak ang ating kaalaman at kaisipan sa tulong na din ng makabagong teknolohiya. Hindi natin mapagkakaila na ang modernisasyon sa kasalukuyan ay nakatutulong sa atin lalo na sa edukasyon. Patuloy nating natutuklasan at nalilinang ang ating karunungang dala ng makabagong teknolohiya.
Ayon sa resulta ng isinagawang pananaliksik ng Department of Education(DepEd) ay bumaba ang bilang ng mga batang out-of-school youth na nagresulta sa pagkakaroon ng pagtaas ng porsyento ng mga pag-enroll at madalas na pagpasok sa paaralan. Tunay nga na naging epektibo ang pagpapatupad ng mga programa sa paglaban sa kahirapan sa pamamagitan ng pagtaas ng serbisyo ng edukasyon sa bansa. Ang edukasyon ang susugpo sa kahirapan. Kasabay nito ang pagdiskubre sa tunay na layunin ng mga mag-aaral sa eskuwelahan.
Ang tungkulin ng kabataan na mag-aaral sa kasalukyan ay hindi lamang mag-aral, magbasa at magbilang, kundi ang sumakay sa sasakyang dala ng edukasyon kasama ang mga kaibigan, kaklase, at mga guro upang maglakbay at tumuklas ng mga bagong kaalaman. Kasabay ng pag-arangkada ng sasakyan ang mga gawain tulad ng takdang-aralin, mga proyekto, pananaliksik at iba pang gawaing hahasa sa kakayahan ng isang estudyante. At ang sasakyang ito ang magdadala sa iyo sa tugatog ng tagumpay.
Ang pag-aaral ay hindi lamang ito tungkol sa mga bagay na itinuturo ng mga guro sa klase kundi pati na rin ang pagkakaroon ng mga masasayang alaala kasama ang mga kaibigan, kaklase, at mga pangalawang magulang sa loob at labas ng paaralan. Kung paano nahubog ang iyong pagkatao, kung paano ka natuto sa bawat pagkakamali, kung paano mo pinaghandaan ang pagtungtong sa panibagong yugto ng iyong buhay at higit sa lahat, mamumulat ka sa katotohanang ang pag-aaral ay hindi basta-basta lamang kundi isang bagay na dadalhin natin sa habambuhay at ibabahagi sa iba.
Tiyaga, determinasyon, at dedikasyon ang dapat pairalin sa bawat bahagi ng kuwento at paglalakbay ng iyong buhay, kailangang mong paghirapan at pagsumikapan upang tiyak ang iyong asenso. At huwag kalilimutang pasalamatan ang karunungang handog ng Panginoon sa atin.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento